install
  1. Hiling ko lang po sa inyong mga Isko at Iska: Habang umaaksyon kami at humahakbang sa pagkukumpuni sa pamahalaan, maisabuhay din sana ninyo ang inyong mga obligasyon bilang mga Iskolar ng Bayan. Malaki po ang inaasahan mula sa inyo. Masuklian po sana nang husto ang ipinuhunan sa inyo ng taumbayan.

    Ang tanong ngayon: kung nasa mataas na pusisyon na kayo, maalala kaya ninyo ang mga slogan na inihiyaw ninyo habang bumoboycott ng klase? Kung puwede mong ilusot sa kalaboso ang brod, sis, o ka-org mong nagkasala naman talaga, ilulusot mo kaya? Kung kumikita ka na ng limpak-limpak na salapi sa ibang bansa, maisip mo pa kayang umuwi? Manatili kayang bulwagan ng dangal ang inyong mga puso, lalo na kung may mga uma-under the table na sa inyo, at kung hinahabol na ninyo ang quota ng pinagtatrabahuhan ninyong mga kumpanya?

    Tandaan na po sana natin, na tulad naming mga nasa gobyerno, nandito kayo dahil sa taumbayan—para sa taumbayan. Utang ng loob ninyo sa Pilipino ang karangalang mag-aral at magtapos sa Unibersidad ng Pilipinas. Balang araw, haharap kayo sa napakaraming bulong at tukso. Sa araw na iyon, sana maalala ninyo ang hamon ng isang nakatatandang Atenistang nasa harapan ninyo. [Laughter] Patuloy po sana ninyong dalhin nang taas-noo ang pangalan ng inyong pamantasan: ang Unibersidad ng Pilipinas.